Lalaging May Pag-asa
19th November 2008
By Lynn Ricafranca
Sa mundong ito na ating ginagalawan, Hindi natin batid kapalarang nakalaan Sa ayaw man o gusto, lahat pagdadaanan, Kaligayahan o kasawian, yan ating mararanasan.
Kaylayo na pala ng aking nalalakbay, Di na mabilang mga pagkadapa sa unos ng buhay, Pilit pinaglalabanan kahit tadtad pa ng latay, Bumalikwas sa pagsubok, umusad! Tuloy sa pagkaway.
Pira-pirasong pangarap, nagsusumikap mabigyang katuparan, Puso ko ma’y lugmok, at kahit katawa’y mahirapan, Sa dilim ng gabi, di maiwasang sumablay, Pag asa ang tanglaw, liwanag sa madilim na buhay. At habang may natatanaw pang mga bituin sa kalangitan, Buo ang pag -asa kong darating ang bukas na pinaghandaan. Gaano man kapanglaw ang magdamag sa aking buhay, Alam kong sa dako pa roon, puso’y liligaya ring tunay.
Kaytagal ko na ring inasam na matanaw, Ang buhay kong ito, sisikatan din ng araw;
Kay haba man nitong gabi, ako’y maghihintay, Alam kong darating din ang bukang-liwayway.