Kahit katulong lamang
29th January 2008
By Teofila Rance
Kung aking babalikan, panahon na nagdaan
Hindi ko ninais na mangibang bayan
Katwiran ko mayroon namang pinag-aralan
Na aking magamit sa sariling bayan
Nguni’t sa ating bayan, minsan may palakasan
Paghahanap ng trabaho di ba’t swertihan lang?
Kung papalarin kang matanggap sahod ay pagtiisan
Dahil mahal ang bilihan kita’y kokonti lang
Ako’y pinalad sa bansang ito’y makarating
Upang dito’y hanapin kapalarang pinagkait sa akin
Pangungulila sa mahal sa buhay aking titiisin
Upang pangarap sa buhay aking maaangkin.
Dati’y lapis at papel ang tanging dala-dala
Ngayon naman walis at basahan ang hawak na
Sa Pilipinas ang tawag sa akin ay “ma’am�
Pero dito ako’y hamak na katulong lamang
Oo nga’t alila lamang dito sa ibang bayan
Nguni’t walang dahilan upang ako’y pagtawanan
Aanhin ko naman ang trabahong opisina
Kung kakalam-kalam naman itong aking sikmura?
Pangingibang-bansa di ko pinagsisisihan
Dahil di naman alipin kung itinuturing ni Madam
Edukasyong angkin, di naman kinakalawang
Sapagka’t ito’y tanging yaman dala kahit saan.